RPPt Imbestigasyon sa EJK hindi demolition job laban kay PRRD— Quad comm chairs
Ang katotohanan umano ang nais na malaman ng quad committee at ito umano ang lalabas kahit na sino man ang tamaan at masagasaan.
Ito ang sinabi nina Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers at Sta. Rosa Rep. Dan Fernandez bilang tugon sa alegasyon na pinupunterya umano ng quad committee si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa imbestigasyon ng extrajudicial killings sa pagpapatupad nito ng war on drug campaign.
“Kung mayroong, along the way, ay may tatamaan, may masasagasaan, kung ‘yan ang katotohanan, ‘yan po ang aming ilalabas,” ani Barbers, overall chairman ng quad committee.
Tinawag ni dating presidential spokesperson Salvador Panelo na "demolition job” sa mga Duterte ang imbestigasyon matapos na lumantad ang dalawang convict at iniugnay si dating Pangulong Duterte sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lords sa loob ng kulungan sa Davao noong 2016.
“Ako, para sa akin, they can say whatever they want to say. Mula nag-umpisa itong Quad Comm, marami na pong bumabatikos, sinasabi nila na ito daw ay politically motivated, ito daw ay witchhunt, ito daw ay walang patutunguhan,” ani Barbers.
“Para sa amin sa Quad Comm, naniniwala kami na ang aming layunin ay ilabas ang katotohanan. Hindi dahil sa may mga nabanggit ng personalidad, kundi to ferret out the truth on the issues of EJK at saka yung smuggling of illegal drugs,” dagdag pa nito.
Ipinunto naman ni Fernandez na hindi lamang ngayon iniimbestigahan ang EJK at bentahan ng iligal na droga.
“Ngayon kung sinasabi nilang political harassment ‘yan, na may demolition job ‘yan, well actually hindi naman namin talaga kasalanan kung ‘yung mga nakukuha naming mga ebidensya na pumapasok sa amin, nagli-lead doon sa kanila,” ani Fernandez.
“We still remember the time when the former president was always saying ‘papatayin kita, ihuhulog kita sa helicopter, mga things like that.’ It's not our fault that these people na nag-wi-witness are trying to tell all just right now,” saad pa nito.
“Kasi siguro ang feeling nila during that time, hindi nila masasabi because they (Dutertes) were in power. Now na siguro na nakita nila na … naghiwalay yung partidong Uniteam, siguro nakakita sila ng window that somehow with this kind of political climate in our country na nagkahiwalay, nagkaroon sila na opportunity to air their grievances,” dagdag pa ni Fernandez.
Sinabi ni Fernandez na ang ginagawa lamang ng quad committee ay pakinggan at tanggapin ang mga ebidensya na ipinipresinta sa kanila at hindi para manira.
“Kami naman dito, tinatanggap namin po yung mga ebidensiya na dumadating sa amin because basically kung titignan naman yung kanilang mga inihaing mga testimoniya, makikita mo namang may link,” sabi ni Fernandez.
“And the reason why we are pursuing this, not because it is a political harassment or tinatawag nila na demolition. I don't want to be a part of any demolition job,” dagdag pa nito.
Noong Huwebes, inamin nina Fernando “Andy” Magdadaro at Leopoldo Tan Jr. na sila ay inutusan upang patayin ang tatlong Chinese drug lord na sina Chu Kin Tung, alyas Tony Lim; Li Lan Yan, alyas Jackson Li; at Wong Meng Pin, alyas Wang Ming Ping sa kulungan sa Davao. Sila ay binayaran umano ng tig-P1 milyon. Iniugnay nila si dating Pangulong Duterte sa pagpatay. (END)