Hajji Kinuwestyon ni Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas kung saan na napunta ang pondo mula sa koleksyon ng taripa sa imported na bigas na dapat ay ilalaan sa mga magsasaka.
Sa budget briefing ng Development Budget Coordination Committee sa Kamara, inusisa ni Brosas kung naibigay na sa mga magsasaka ang direct cash assistance mula sa excess rice tariff revenue para sa taong 2023.
Tumama kasi aniya ang El Niño at La Niña sa ating bansa kaya mahalagang magamit ng mga magsasaka ang naturang cash assistance.
29.9 billion pesos ang rice tariff revenues noong nakaraang taon at 19.9 billion pesos mula rito ang excess o sobra.
Tugon ni Budget Secretary Amenah Pangandaman, hindi pa naibibigay ang pondo mula sa koleksiyon dahil wala pang nailalabas na sertipikasyon na galing sa National Treasury.
Ito ang magiging indikasyon na maaari nang maglabas ng Special Allotment Release Order o SARO ang DBM para sa disbursement ng pera sa mga magsasaka.
Ipinaliwanag ni Finance Secretary Ralph Recto na binibigyang-diin sa batas na kapag lumampas sa sampung bilyong piso ang koleksyon para sa “prior year”, ang excess tariff revenue ay dapat ipaloob ng Kongreso sa General Appropriations Act sa susundang taon.
Pero tugon ni House Appropriations Committee Senior Vice Chairperson Stella Quimbo, bahagi ito ng unprogrammed appropriations ay mayroon itong special provision na nagsasaad na ang sobrang kita sa taripa mula sa inaangkat na bigas ay kapareho ng naging basehan sa disbursement para sa koleksyon noong 2022.
12.7 billion pesos ang excess tariff revenue noong 2022 at 100 percent na umano na naipamigay sa mga magsasaka sa pamamagitan ng crop diversification program at unconditional cash assistance.
Dahil dito ay inatasan ni Quimbo ang concerned agencies na pabilisin na ang proseso ng documentation upang mailabas na ang pondo at maipamahagi sa mga magsasaka.