Hajji Kinuwestyon ng ilang kongresista ang halaga ng pabahay ng gobyerno na anila’y hindi kayang bayaran ng mahihirap na mga Pilipino.
Sa briefing ng Department of Human Settlements and Urban Development ukol sa proposed 2025 budget nito na 6.4 billion pesos sa Kamara, sinabi ni Deputy Minority Leader Arlene Brosas na tila masyadong mahal ang 1.2 million hanggang 1.4 million pesos na halaga ng bawat unit sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program o 4PH at hindi maituturing na pang-mahirap.
Pero depensa ni DHSUD Secretary Jerry Acuzar, kung tutuusin ay mas mura na ang alok nilang housing units kumpara sa market value na umaabot sa apat na milyong piso.
Bukod sa ipinatutupad na interest subsidy para sa mas magaang pagbabayad, mayroon aniya silang graduated amortization sa mga benepisiyaryo.
Hindi rin umano lahat ng unit ay milyon ang halaga dahil depende ito sa palapag ng gusali.
Nilinaw naman ni Acuzar na ang mga benepisiyaryo ng 4PH ay dapat may trabaho kasama na ang minimum wage earners.
Tinatayang 2,700 pesos kada buwan ang pinakamurang monthly amortization sa mga benepisiyaryo ng 4PH at ang “baseline” ng DHSUD ay dapat kumikita ng mahigit sampung libong piso kada buwan.