Hajji Isinisi ng Metropolitan Manila Development Authority sa iba't ibang "factors" ang matinding pagbaha sa National Capital Region nang manalasa ang bagyong Carina na nagpalakas sa hanging habagat noong nakaraang linggo.
Sa pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development, sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes na lubhang nakaapekto sa natural na pagdaloy ng tubig patungo sa Manila Bay ang pag-apaw ng Tullahan River at iba pang river systems.
Malaki rin aniya ang naging epekto ng pag-apaw ng La Mesa Dam, ang pagpapakawala ng tubig ng Ipo at Bustos Dam sa Bulacan, high tide sa Manila Bay at pagkasira ng navigational gate na makatutulong sana sa mga lungsod ng Navotas at Malabon.
Sa katunayan, ipinrisinta sa pagdinig na umabot sa 471 millimeters ang ibinuhos na ulan na maihahambing sa mahigit isang bilyong drum ng tubig na hindi naman kakayanin ng pump capacity na 123 million drums lang.
Karaniwan umanong humuhupa ang baha na dulot ng 20 millimeters ng ibinuhos na ulan sa loob ng labinlima hanggang tatlumpung minuto pero sa pagtama ng bagyo at habagat ay mas nahirapan dahil sa mataas na water level sa waterways at high tide.
Nabatid din mula sa MMDA na nasa dalawampu't tatlong libong truckloads ng basura ang kanilang nakolekta.
Sa pitumpu't isang pumping stations na pinatatakbo ng MMDA ay dalawampu't anim ang kailangan nang sumailalim sa rehabilitasyon.
Idinagdag pa ni Artes na hindi sila nagpabaya sa nasirang floodgate sa Navotas dahil sa katunayan ay agad silang nagpatawag ng pulong at inaasahang matatapos ang pagkukumpuni sa loob ng isa o dalawang buwan.