Hajji Hindi isasantabi ng Department of Environment and Natural Resources ang posibilidad na i-revoke ang environment compliance certificates o ECCs ng dalawang reclamation projects na nagpapatuloy sa Manila Bay.
Sa budget briefing ng DENR sa House Appropriations Committee, inusisa ni Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel kung bakit pinayagan na manatili ang operasyon ng dalawang proyekto habang umuusad ang community impact assessment.
Ayon kay Environment Secretary Antonia Yulo-Loyzaga, lumabas sa kanilang priority review na nag-comply ang dalawang reclamation projects sa area clearance at ECC requirements.
Isa aniya sa mga ito ay babaguhin ang disenyo kung saan lilikha ng 400-meter channel mula sa sea wall na dadaluyan ng tubig.
Iginiit din ni Loyzaga na kinikilala ng DENR na mayroong social implications ang mga proyekto pati na ang Manila Bay Rehabilitation program at base sa initial impact assessment ay tatamaan ang dami ng mga huling isda at may mga mawawalan ng tirahan.
Nilinaw naman ng kalihim na ang proponents ng proyekto ay ang lokal na pamahalaan ng Pasay at ang mga pinayagan na ituloy ang reklamasyon ay ang "Pasay 360" at Pasay Harbour".
Pero muling tinanong ni Manuel kung handang bawiin ng DENR ang ECC ng reclamation projects kung mapatutunayang may "adverse" o malalang epekto ito sa komunidad.
Tugon ni Loyzaga, sasailalim ito sa masusing evaluation gamit ang "mitigation hierarchy" upang matukoy ang ecological at environmental impacts na isusumite naman sa Philippine Reclamation Authority.