Hajji Dumepensa ang Commission on Higher Education ukol sa napakalaking pondo na hindi nito nagastos sa loob ng apat na taon na dapat sana'y nagamit sa mga programa para sa mahihirap na mag-aaral.
Sa briefing ng CHED sa House Committee on Appropriations para sa proposed 31.6 billion pesos na 2025 budget ngayong araw, kinuwestyon ni House Senior Deputy Minority Leader Paul Daza ang walong bilyong piso para sa taong 2019 hanggang 2022 na nasayang lang at ibinalik sa Treasury.
Kung naging mahusay aniya ang paggasta sa pondo ay marami na sanang natulungan ang CHED na mga institusyon at mga mag-aaral na napa-graduate, nakapaglaan para sa tertiary education subsidy at living allowance.
Tugon ni CHED Chairman Prospero De Vera, ang pondo noong 2019 ay ginamit para sa long-term project na Philippine-California Advanced Research Institutes o PCARI at nagkataong patapos na kaya hindi maaaring gastusin sa ibang layunin.
Iginiit din ni De Vera na hindi na nila itinuloy ang PCARI project dahil mahirap ipatupad ang high-level research at hindi mailalabas ang panibagong tranche ng grant sa mga unibersidad kapag walang full liquidation.
Ngunit buwelta ni Daza, hindi ito maaaring gawing palusot dahil kung tutuusin ay pwede silang humingi ng pahintulot sa Department of Budget and Management upang ilaan ang pera sa ibang programa.
Gayunman, ipinunto ng CHED na ilang beses na nilang sinubukan na humingi ng permiso sa DBM ngunit ibinabasura lang.
Bukod dito, bumuti naman umano ang utilization rate ng ahensya pagkalipas ng taong 2022 at kahit noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic ay maayos na nagamit ang pondo nito.