Grace Pumalag ang kampo ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa ulat na nagkukumpara sa datos ng administrasyong Marcos Jr. at Arroyo sa usapin ng self-rated poverty.
Batay kasi sa Self-Rated Poverty Survey ng Social Weather Stations, maihahambing sa 58 percent na record ng gobyerno ni Pangulong Bongbong Marcos nitong Hunyo ang 66 percent na naitala noong July 2001 at September 2002 sa panahon ni Pangulong Arroyo.
Ayon sa tanggapan ng dating pangulo at House Speaker, mahalagang maipaliwanag na ang naturang datos ay nangyari sa simula ng panunungkulan ni Arroyo nang harapin nito ang katatapos lang na Asian financial crisis at external factors tulad ng 9/11 terror attack sa Amerika.
Hindi man naging popular ang solusyon ni Arroyo nang itaas ang buwis sa pamamagitan ng Expanded Value-Added Tax reforms, ito umano ang nararapat gawin.
Sa katunayan, ipinunto nito na nagsimulang humupa o bumaba ang self-rated poverty nang ipatupad ang EVAT noong kalagitnaan ng 2005 at noong Marso ng taong 2010 ay naitala ang 43 percent na tinukoy ng SWS bilang "record low".
Dagdag pa ng opisina ni Arroyo, ang average ng self-rated poverty mula 2001 hanggang 2010 sa kanyang administrasyon ay mas mababa umano kumpara sa mga nauna sa kanya sa puwesto.
Maging ang mga sumunod na pangulo kay Arroyo ay ipinagpatuloy pa rin umano ang EVAT at iba pang economic reforms.