Nagsagawa ngayong Miyerkules ng pagpupulong pang-organisasyon ang Espesyal na Komite ng Senior Citizens sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni SENIOR CITIZENS Rep. Rodolfo Ordanes at inaprubahan ang Internal Rules of Procedure nito. Sinabi ni Ordanes na aasahan niya ang karaniwang suporta at kooperasyon ng mga kasapi ng espesyal na Komite, tungo sa katuparan ng mandato nito na pag-aralan at aksyunan ang lahat ng bagay, pangunahin man at direktang may kinalaman sa mga pangangailangan at kapakanan ng mga senior citizen, gayundin ang mga polisiya at mga programa na magpapahusay sa kanilang aktibong pakikilahok sa lipunan. “We have much to learn from each other. And with our collective knowledge, dedication and enthusiasm, and efforts, we will be able to create the best and update laws that would cater to address the needs of our elderly citizens,” ani Ordanes sa Komite. Ipinaliwanag naman ni Special Committee on Senior Citizens Committee Secretary Chona Del Valle sa pamamagitan ng powerpoint na presentasyon ang mandato, hurisdiksyon, pagiging kasapi, kapangyarihan at mga tungkulin ng Komite na nakapaloob sa panukalang Committee Rules. Samantala, inimbitahan ng Komite ang mga ahensya ng pamahalaan na magbigay sila ng briefing hinggil sa mga mandato, programa, at panukalang batas para sa mga matatanda. Ito ay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD); ang Office for Senior Citizens Affairs (OSCA); at ang National Anti-Poverty Commission (NAPC). Tinalakay naman ni DSWD Director Maricel Deloria ang mga programa ng DSWD para sa mga matatanda. Ito ay ang Social Pension para sa Indigent Senior Citizens; Centenarian; at Assistance to Older Persons. Nagbigay din siya ng update sa plano ng paglipat ng mga programa para sa mga matatanda, mula sa DSWD patungo sa National Commission of Senior Citizens (NCSC).