Tuesday, September 20, 2022

ROMUALDEZ, SINUYO ANG MGA MAMUMUHUNAN SA US: 'NOW’S THE TIME TO INVEST IN PH', NANAWAGAN NG SUPORTA PARA KAY PBBM

Nanawagan si Speaker Martin G. Romualdez ng suporta mula sa mga negosyante sa Estados Unidos (US), para sa mga layunin at programa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at binigyang-diin na ang Pilipinas ay handa na para sa mas maraming pamuhunan.


Ipinahayag ito ni Romualdez, na bahagi ng opisyal na delegasyon ng Pangulo, matapos na magtalumpati si Pangulong Marcos noong Lunes ng hapon (oras sa US) sa New York Stock Exchange economic forum, na dinaluhan ng mga pinuno ng mga negosyante na nakabase sa Pilipinas at Estados Unidos. Tiniyak ng Punong Ehekutibo ang malaking oportunidad at masiglang ekonomiya para sa mga mamumuhunan na magtatayo ng negosyo sa Pilipinas. 


“Thank you for giving an opportunity to the Marcos administration and for considering the President's agenda and vision. We are open to broadening and strengthening the economic partnership with the Philippine government. Let us continue to promote mutually beneficial trade and investment relationships,” ani Romualdez, at nangakong gagawing mas malakas ang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.


Kaugnay ng layunin ni Pangulong Marcos na makabawi mula sa pampublikong krisis sa kalusugan na nanalasa sa buong mundo ngayon, tiniyak ni Romualdez ang mga mamumuhunan na ang mga mambabatas na Pilipino ay lubos na nagsisikap na mapagaan ang pagnenegosyo sa Pilipinas, at mapaganda ang kapaligiran ng pagnenegosyo na magpapalago ng ekonomiya.


“Rest assured that we, in the Philippine House of Representatives, remain committed to enacting laws that would help deepen cooperation with the United States, particularly in the areas of the supply chain, health and security, environment and climate change, energy security, and interconnectivity,” ayon kay Romualdez, sa kanyang solido at matatag na paghihimok sa mga miyembro ng US business community.


Sinabi ni Romualdez na ang Kapulungan ay lubos na nagsisikap katuwang ng Punong Ehekutibo na magpanukala ng mga reporma, at makahikayat ng mas marami pang dayuhang mamumuhunan sa Pilipinas.


“With your assistance under the leadership of President Marcos, you would help us get back on our feet and bring us closer to realizing our dream of providing a better future to our fellow Filipinos,” ani Romualdez.


Bago dumalo sa aktibidad sa New York Stock Exchange, sinabi ni Romualdez na pinangunahan ni Pangulong Marcos ang serye ng mga pagpupulong sa mga opisyal ng malalaking negosyo, para talakayin ang mga potensyal na pamuhunan sa Pilipinas. 


“We need more trading partners to realize President Marcos’ infrastructure modernization program, which is the best driver of economic growth,” ani Romualdez.


Ayon sa kanya, layon ni Pangulong Marcos na masustini ang pagsisikap ng pamahalaan tungo sa epektibong pagtugon sa masamang epekto ng krisis sa pangkalusugan, dulot ng pandemya ng coronavirus disease-19 (COVID-19), sa pamamagitan ng pagtutok ng pamahalaan sa paggasta para maisaayos ang sistema ng pangangalaga ng kalusugan sa bansa, pagtitiyak sa seguridad sa pagkain, pagpapalago ng pamuhunan sa pampubliko at digital na imprastraktura, at pagtulong sa mga komunidad na makayanan at malampasan ang mga hamon sa panahong ito ng pagsubok.


“We have to make different sectors of the economy stronger and more agile by creating more jobs and catalyzing business activities all over the country while saving lives and protecting communities from the continuing threat of the global health crisis,” ani Romualdez.


Dadalo si Pangulong Marcos Jr. sa 77th United Nations (UN) General Assembly sa New York City.


Sinabi ni Speaker na ang Estado Unidos ay isa rin sa pinakamahalagang pinagmumulan ng pamuhunan.


Higit sa lahat, sinabi ni Romualdez na ang US ay numero unong trading at economic cooperation partner, at kasangga ng bansa.


Ang US ay isa rin sa pianakamalaking pinagmumulan ng mga remittances mula sa mga overseas Filipino workers (OFWs) at mga Filipino-Americans, dagdag pa ni Romualdez.


Nauna nang sinabi ni Romualdez na lubos siyang umaasa sa matagumpay nilang pagbisita, matapos ang matagumpay na pagbisita ni Pangulong Marcos sa mga bansang Indonesia at Singapore, na nagresulta sa mahigit $14-bilyong halaga ng suplay at pangakong pamuhunan mula sa mga negosyanteng Indonesian at Singaporean. #