Wednesday, September 21, 2022

PHYSICAL PRESENCE NG ECONOMIC TEAM SA DELIBERASYON NG BUDGET 2023, IMINUNGKAHI SA KAMARA

Nagtakda ng kundisyon ang Kamara na dapat physically  present ang mga miembro ng economic team ng Malakanyang sa plenary deliberations ng 2023 General Appropriations Bill na nagkakahalaga ng 5.268-trillion pesos.


Sa Ugnayan sa Batasan Majority forum, sinabi ni Congresswoman Janet Garin, Vice Chairman ng House Committee on Appropriations, mahalaga ang presensiya ng mga ito para maipaliwanag at masagot ng maayos ang mga tanong at interpellation ng mga kongresista sa   budget ng mga government agencies.


Karamihan sa mga miembro ng economic team ng malakanyang ay kasama sa working visit  ni Pangulong Bongbong Marcos sa Amerika sa pagdalo sa United Nations General Assembly.


Ang economic team ang bumubuo din sa Development and Budget Coordination Committee na magpi-prisinta sa dalawang kapulungan ng Kongreso sa mga probisyon ng 2023 General Appropriations Bill.


Sa kabila nito, tiniyak ni Garin, uusad ang pagtalakay sa 2023 proposed national budget at inaasahan na makakahabol sa plenary deliberations ang mga miembro ng economic team.


Inaasahan na darating sa September 24 si Pangulong Marcos at kanyang delegasyon mula sa working visit sa Amerika.