Wednesday, September 21, 2022

PANUKALANG SUSUPORTA SA MGA MANGINGISDANG APEKTADO TUWING MAY MGA KALAMIDAD, ISINUSULONG

Itinutulak ni Quezon Rep. Kieth Micah Tan ang isang panukalang batas na layong magkaroon ng programa para masuportahan ang mga mangingisdang apektado tuwing “closed fishing season” at sa panahon ng mga kalamidad.


Ito ang House Bill 4554 o ang panukalang “Tulong Pangkabuhayan para sa mga Mangingisda Program Act.” 


Paliwanag ni Tan, ang mga mangingisda pati mga magsasaka ay kabilang sa pinaka-mahirap na sektor sa ating bansa, batay sa Ibon Foundation. At mula noong 2017 hanggang 2019, higit 1 milyon ang “job losses” sa sektor ng agrikultura, na pinalala pa ng pandemya ng COVID-19.


Patuloy naman ang pagpapatupad sa closed fishing season, na alinsunod sa Philippine Fisheries Code of 1998, kung saan may panahon na bawal ang pangingisda sa ilang tukoy na lugar sa mga karagatan ng bansa.


Ayon kay Tan, kamakailan ay may grupo ng mga mangingisda na umaapelang suspendihin ang patakarang closed fishing season partikular sa mga lugar na binayo ng bagyo dahil nagdudulot umano ito ng “artificial shortage” ng mga isda, at nakaka-apekto rin sa inflation o mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.


At sa ganitong panahon, kawawa ang mga mangingisda na nakadepende sa kanilang kabuhayan na pangingisda.


Kaya naman sinabi ni Tan na sa pamamagitan ng Tulong Pangkabuhayan program ay makapaglalaan ng “livelihood, financial, medical at iba pang social assistance” para sa mga "eligible" na benepisyaryong mangingisda.


Kapag naging ganap na batas, kada buwan ay bibigyan ang mga benepisyaryo ng “Tulong Pangkabuhayan voucher” na ang katumbas ng P3,000.


Maliban naman sa nabanggit, ang mga benepisyaryo ay pinasasakop sa mga programa, serbisyo o benepisyo mula sa Philhealth, SSS, DSWD, DOLE at TESDA.