Inaprubahan ngayong Lunes sa Kapulungan ng mga Kinatawan, sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 14, na naglalayong irehistro ang lahat ng Subscriber Identity Module (SIM) cards. Ang panukala na pangunahing iniakda nina Speaker Ferdinand Martin Romualdez, Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos, at TINGOG Party-list Reps. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre, ay tumanggap ng 250 pabor na boto, anim na negatibo at isang abstensyon.
Layon nitong isailalim sa regulasyon ang pagbebenta at distribusyon ng SIM cards; isulong ang pananagutan ng mga gumagamit; at maiwasan ang pagkalat ng mga scam sa mobile phones at paglabag sa mga datos; at tulungan ang mga nagpapatupad ng batas sa pagresolba sa mga krimen na kinasasangkutan ng paggamit ng mga mobile phones.
Layunin ng batas na itatag ang sistema ng pagbebenta at rehistrasyon ng mga SIM cards, sa pamamagitan ng registration forms.
Bukod sa buong pangalan, araw ng kapanganakan, kasarian, at tirahan, ay kinakailangan din magprisinta ng orihinal na kopya ng isang valid government-issued identification document.
Ito ay isasagawa ng lahat ng mga public telecommunications entities (PTE) at mga direktang nagbebenta. Alinsunod sa Republic Act 10173, o ang “Data Privacy Act of 2012,” ang mga PTEs ay pinagbabawalang magsiwalat ng anumang impormasyon ng subscriber, at lahat ng mga impormasyon ay ituturing na ganap na lihim.
Isinasaad sa panukala na lahat ng umiiral na prepaid subscribers ay irerehistro sa kanilang mga PTEs.
Kapag hindi nasunod ang mga tuntuning ipinairal ay bibigyan ng pahintulot ang mga PTE na otomatikong ikansela ang serbisyo ng naturang subscriber.
Kapag naging isang batas, ang sinumang PTE na lalabag sa mga probisyon ng batas ay pagmumultahin ng P300,000. para sa unang paglabag, P500,000. sa pangalawang paglabag, at P1-milyon sa ikatlo at susunod pang mga paglabag.
Sa mga direktang nagbebenta, ang parusa ay suspensyon ng kanilang operasyon at multa na P5,000 hanggang P50,000. Ang hybrid na sesyon ay pinangunahan nina Deputy Speakers Aurelio Gonzales Jr. at Vincent Franco Frasco.