Lusot na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang House Bill 4125 o panukalang “Ease of Paying Taxes Act.”
Sa viva voce na botohan, nanaig ang boses ng mga kongesista na pabor sa pagpasa sa panukala na ang hangad ay maging moderno na ang tax administration at gawing simple at mapadali ang proseso ng pagbabayad ng buwis ng maliliit tax-payers.
Nakasaad sa House Bill na magkakaron ng Bureau of Internal Revenue o BIR special unit para sa mas maayos na serbisyo, habang bubuo naman ng “medium taxpayer classification.”
Sa ilalim pa nito, tatanggalin na ang mga restriksyon sa paghahain ng “returns” at pagbabayad ng buwis, na uubrang gawin sa mga otorisadong bangko o opisina na nasa hurisdiksyon ng Revenue District Office o RDO (sa oras na maging ganap na batas ang panukala).
Nauna nang sinabi ni House Committee on Ways and Means chair Joey Salceda na kapag naging batas ang House Bill, aabot sa higit P73 billion ang dagdag-kita ng pamahalaan sa loob ng limang taon, na magagamit sa mga programa o proyekto.
Pero maliban dito, inaasaahang mapupuksa ang katiwalian at “red-tape” at mapalakas ang tiwala ng taxpayers, kapag naisabatas ang panukala.