Inaprubahan ngayong Biyernes sa ikalawang pagbasa ng Kapulungan ng mga Kinatawan, sa pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang House Bill 5001, o ang panukalang “Free College Entrance Examinations Act.”
Ayon sa panukala, imamandato sa mga pribadong higher education institutions (HEIs) na talikdan ang mga babayarin sa pagsusulit para makapasok sa kolehiyo, para sa mga maralitang graduate at gagraduate ng high school, na nabibilang sa top 10 percent ng kanilang graduating class.
Isinasaad sa panukala na ang mga benepisaryo ay ang mga magulang na may pinagsamang kita na mababa sa poverty threshold, na tinutukoy ng National Economic and Development Authority (NEDA) at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Bukod pa rito, isinasaad rin na ang Commission on Higher Education (CHED) na paparusahan ang mga opisyal at kawani ng mga pribadong HEIs na mabibigong talikdan ang nasabing kabayaran.
Layon ng panukala na palawakin ang akses ng mga maralitang mag-aaral sa kalidad na higher education.
Kapag naisabatas, titiyakin nito na pakikinabangan ito ng mga maralita at karapat-dapat na graduating high school students at high school graduates na mabigyan ng sapat na ayuda, kabilang na ang pantay na oportunidad na maipagpatuloy ang kanilang edukasyon sa kolehiyo at ang kanilang piniling direksyon sa karera.
Pinangunahan ni Deputy Speaker Roberto Puno ang hybrid na sesyon sa plenaryo.