Wednesday, September 21, 2022

PANUKALANG EASE OF PAYING TAXES ACT, APRUBADO NA SA IKALAWANG PAGBASA

Inaprubahan ngayong Lunes ng Kapulungan ng mga Kinatawan, sa pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, sa ikalawang pagbasa ang House Bill 4125, o ang panukalang “Ease of Paying Taxes Act.” 


Layon ng panukala na gawing moderno ang pangangasiwa sa buwis, ayusin ang pagpapatupad ng buwis, kabilang na ang pagbabalangkas ng mg polisiya at maayos na pamamaraan sa iba’t ibang uri ng mga nagbabayad ng buwis. 


Aalisin na sa HB 4125 ang pagkakaiba sa pagitan ng sales invoice at official receipts. 


Gagamitin na rin ang sales invoice bilang dokumento na gagamitin ng mga nagbabayad ng buwis para patunayan ang mga transaksyon ng value-added tax, maging ito ay bentahan ng produkto o serbisyo. 


Bukod pa rito, isasailalim din sa institusyon ang simplified tax returns at pagpoproseso ng mas maliliit na mga taxpayer, para sa mas magaan na pagpapatupad ng mga tuntunin at patakaran sa buwis. 


Samantala, palalakasin ng panukala ang kakayanan ng mga transaksyon sa buwis sa pamamagitan ng pag-alis ng restriksyon kung saang lugar inihahain ang returns at pagbabayad ng buwis. 


Ang ilan pa sa mga pangunahing tampok sa panukala ay ang paglikha ng mga pasilidad sa pagpaparehistro para sa mga non-resident taxpayers, at ang pagtatanggal ng binabayarang annual taxpayer registration fee na P500. 


Ang hybrid na sesyon sa plenaryo ay pinangunahan nina Deputy Speakers Aurelio Gonzales Jr. at Vincent Franco Frasco.