Pasado na ngayong Martes sa ikatlo at huling pagbasa sa Kapulungan ng mga Kinatawan, sa pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang House Bill 4673, na nagpapaliban sa halalang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) na nakatakda sa ika-5 ng Disyembre 2022.
Kapag naisabatas, ay muling itatakda ang halalan sa unang Lunes ng Disyembre 2023.
Sa usaping ito, lahat ng mga kasalukuyang opisyal ay mananatili sa kanilang posisyon, hanggang ang kanilang magiging kapalit ay nahalal na, maliban na lamang kung matanggal sa pwesto o masuspindi.
Layon ng panukala na mabigyan ng pagkakataon ang Commission on Elections (COMELEC) at ang mga lokal na pamahalaan na makapaghanda, gayundin ang pamahalaang nasyunal na maisaayos ang mga honorarya ng mga poll workers.
Ang panukala ay nakakuha ng 264 pabor na boto, anim na negatibo, at tatlong abstensyon.
Ang hybrid na sesyon sa plenaryo ay pinangunahan nina Deputy Speakers Vincent Franco “Duke” Frasco at Aurelio Gonzales Jr.