Inihain ni Cebu City Rep. Eduardo Roa Rama ngayong 19th Congress ang panukalang batas para sa pagpapatayo ng “Dengue Virus Testing and Screening Center” sa bawat siyudad at munisipalidad sa buong bansa.
Sa kanyang House Bill 4607, binanggit sa explanatory note na naitala ang higit 64,000 na mga kaso ng dengue sa ating bansa mula noong Enero hanggang Hunyo 2022, kung saan higit 270 ang nasawi.
(Habang base sa huling datos ng Department of Health o DOH, lagpas 100,000 na ang dengue cases mula Enero hanggang Agosto ngayong taon).
Ayon kay Rama, nakakaalarma ang numero, at ang sitwasyon ay nangangailangan ng tamang pagtugon mula sa gobyerno.
Sinabi ni Rama na sa kasalukuyan ay wala pang gamot para sa dengue, pero maaaring ma-manage o maagapan ito sa pamamagitan ng “early diagnosis” at tamang pamamahala.
Makakatulong aniya ang “rapid diagnostic test” o RDT para sa mga may sintomas ng dengue, upang mabawasan ang “morbidity at mortality.”
Bagama’t ang DOH ay naglunsad ng National Dengue Prevention and Control Program, hindi pa umano “institutionalized” o batas ang pagte-test para sa dengue. Marami ring lokal na pamahalaan ang walang dengue diagnostic test centers para matugunan ang mga residente.
Kaya kapag naging ganap na batas ang House Bill ni Rama, ang mga itatayong Dengue Virus Testing and Screening Center ay mag-aalok ng libreng RDT sa mga indibwal na “suspected dengue case” o mga taong nagmula sa lugar na may malaking banta o kaso ng dengue, base sa DOH.
Ang naturang center din ang magpapakalat ng mga tamang impormasyon ukol sa dengue, at magtuturo rin ng “detection, control at management” laban sa sakit.