Monday, September 19, 2022

PAGBABAGO SA TERMINO NG MGA OPISYAL NG BARANGAY AT SK, IPINANUKALA SA KAMARA

Ipinapanukala sa Kamara ngayong 19th Congress na baguhin ang termino ng mga halal na opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan o SK sa ating bansa.


Sa House Bill 3689 ni Valenzuela Rep. Rex Gatchalian, mula sa tatlong (3) taon na termino, kanyang isinusulong na ipako sa limang (5) taon ang bawat termino ng mga barangay at SK officials.


Pero bukod sa pagbabago ng bilang ng taon sa pwesto, nais din ni Gatchalian na itakda ang pag-upo ng mga opisyal ng barangay sa dalawang (2) “consecutive terms” sa halip na tatlong (3) termino.


Para maisakturapan ang mga nabanggit, pina-aamyendahan ni Gatchalian ang Local Government Code of 1991, at ang Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015.


Paliwanag ni Gatchalian, ang kasalukuyang termino na tatlong taon ay masyadong maikli, at nakaka-apekto rin ang mabilis na pagpapalit ng mga opisyal sa ikatatagumpay ng mga programa at patakaran.


Kaya naman layon aniya ng kanyang panukala na mas mapalawig ang termino upang makatutok sa kani-kanilang responsibilidad ang mga elected official ng mga barangay.


Maliban dito, sa pagpapalawig ng kanilang termino mula tatlong taon tungo sa limang taon --- makakatipid umano ng gobyerno sa “election expenditures at resources” at iba pang mga gastos para sa training ng mga bagong set ng opisyal ng barangay at SK.


Ani Gatchalian, ang “savings” ay maaaring ilaan sa iba pang mga proyekto o pandagdag sa pondo ng mga kasalukuyang programa ng pamahalaan.