Wednesday, September 21, 2022

MGA PANUKALANG SUMUSUPORTA SA KAPAKANAN AT PROTEKYON NG MGA MANGGAGAWA, APRUBADO NG KOMITE SA KAPULUNGAN

Inaprubahan ngayong Lunes ng Komite ng Labor at Employment sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rizal Rep. Juan Fidel Felipe Nograles ang ilang mga hakbang, na naglalayong mapabuti ang kapakanan at proteksyon ng mga manggagawa sa iba't ibang industriya at sektor. 


Inilapat ang Section 48 ng House Rules para aprubahan ang muling inihain na House bills, na nauna nang naipasa sa ikatlo at huling pagbasa sa mga nakaraang Kongreso. 


Aprubado ng Komite ang HB 615, o ang panukalang "Freelance Workers Protection Act." Ang panukala ay kaisa ng HBs 593, 1087, 2212, 2812, 3738, at 4557. Sinabi ni Rep. Christopher de Venecia (4th District, Pangasinan), naghain ng HB 615, na sa pagsasabatas ng Republic Act 11904, o ang "Philippine Development Industries Act," oras na rin para magpasa ng batas na magpoprotekta sa mga manggagawang malayang trabahador na bumubuo sa gulugod ng mga malikhaing industriya. 


Aprubado din ng Komite ang panukalang "Media Workers Welfare Act," na HB 454, kasabay ng HBs 304, 1924, 2487, at 2801. 


Sinabi ni ACT-CIS Rep. Jeffrey Soriano na ang panukalang batas ay naglalayong matiyak na ang mga manggagawa sa media ay mayroon makataong kondisyon sa pagtatrabaho, maayos na sahod, at mga komprehensibong benepisyo na katumbas ng mga manggagawa ng gobyerno at pribadong sektor. 


Inaprubahan din ang: 1) HB 637, o ang panukalang "Enterprise Productivity Act," at kasama ang HBs 884 at 985; 2) HB 924, o ang panukalang "Barangay Skilled Workers Registry Act," at kasama sa HBs 1953, 2282 at 4549; 3) HB 988, kasabay ng HB 1274, na naglalayong dagdagan ang service incentive leave ng mga empleyado; 4) HB 2859, kasama ng HBs 227, 2791 at 3694, ang panukalang "Caregivers Welfare Act"; 5) HB 4477, na naglalayong magtatag ng higit na responsibilidad at pananagutan mula sa mga pribadong employment agencies, na inaamyendahan ang Seksyon 36 ng RA 10361, o ang "Batas Kasambahay"; 6) HB 4479, na naglalayong palawakin ang mga ipinagbabawal sa diskriminasyon laban sa mga kababaihan dahil sa kasarian, at mag-aamyenda sa "Labor Code of the Philippines," gaya ng sinusugan; 7) HB 1270, o ang panukalang "Eddie Garcia Act," kasama ng HBs 459, 1760, 3856, 4169 at 4652; at 8) HB 1509, na naglalayong ideklara ang San Jose del Monte City, Bulacan bilang "Human Resource Capital" ng bansa.