Wednesday, September 21, 2022

GENERAL APPROPRIATIONS BILL (GAB) PARA SA FY 2023, DETERMINADONG IPASA NG KAPULUNGAN BAGO MAGBAKASYON ANG KONGRESO T

Tinalakay ngayong Martes ni House Committee on Appropriations Vice Chair at lloilo Rep. Janette Garin sa ginanap na pulong balitaan sa Kapulungan, ang kasalukuyang deliberasyon sa plenaryo ng House Bill 4488, o ang 2023 General Appropriations Bill (GAB), para sa taong 2023. 


Sinabi niya sa Ugnayan sa Batasan News Majority Forum na nilalayon ng Kapulungan na tapusin ngayong araw ang mga debate sa plenaryo ng badyet ng Department of Finance (DOF), at sa mga sangay na ahensya at korporasyon nito, National Economic and Development Authority (NEDA), Office of the Ombudsman, Commission on Human Rights (CHR), Commission on Elections (COMELEC), Department of Science and Technology (DOST) at mga sangay nitong ahensya, Anti-Red Tape Authority (ARTA) at Mindanao Development Authority (MinDA). 


Ipinahayag din niya na layon ng Kapulungan na tapusin ang deliberasyon sa plenaryo sa ika-28 ng Setyembre, at ipasa ang panukalang batas sa Ikalawa at Ikatlong pagbasa bago ang nakatakdang bakasyon ng Kapulungan sa ika-1 ng Oktubre. 


Sa usapin naman ng abolisyon ng ARTA, sinabi ni Garin na hindi pa nila opisyal na napag-usapan ang usapin, dahil ito ay mangangailangan ng ekstensibong talakayan. 


“It will be best in the interest of the Filipino people na patuloy muna iyong ahensya na ito. Because while the Office of Ombudsman is there working based on its mandate, the Anti-Red Tape Authority was also created by law” aniya. 


Ang abolisyon ng ARTA ay nabanggit ni Ombudsman Samuel Martires sa kanilang mga panukala sa pagdinig noong nakaraang linggo ng Komite ng Katarungan. 


Aniya, inaagaw ng pagkakatatag ng ARTA ang kapangyarihan ng Ombudsman. 


Sa naturang pulong balitaan, ipinahayag ni Garin na handa na ang Kapulungan na aprubahan ang HB 4125, o ang “Ease of Paying Taxes Act” sa huling pagbasa sa susunod na linggo. 


Sinabi niya na hiniling ng Administrasyong Marcos sa Kongreso na magpasa ng mga panukala sa mahusay na koleksyon ng buwis. 


Kaugnay nito, sinabi ni Garin na ang abolisyon o mahigpit na regulasyon ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs) ay magpapalakas sa koleksyon ng buwis, at paglikha ng mga trabaho sa pamamagitan ng pag-hikayat ng mas maraming mamumuhunan. 


Idinagdag din niya na ang mga negatibong epekto ng mga iligal na operasyon ng POGO sa bansa ay nag-iiwan ng negatibong impresyon sa iba pang mamumuhunan.