Lusot na sa House Committee on Labor and Employment ang panukalang “Freelance Workers Protection Act.”
Sa pagdinig ng komite sa pamumuno ng chairman nito na si Rizal Rep. Fidel Nograles nagkaisa ang mga miyembro na aprubahan ang House Bill 615, “with consolidation” sa anim pang House Bills.
Layon ng panukala na mabigyang-proteksyon at insentibo ang mga itinuturing na “freelance workers” na ang mayorya ay mga aktor, writers, singers, dancers, composers, direktor at iba pang katulad sa larangan.
Sa ilalim pa ng panukala, obligado nang magkaroon ng “written contracts” para sa freelancers, kung saan dapat naka-detalye ang mga kompensasyon at benepisyo, rate o sahod at paraan ng pagbabayad, “period of employment,” Tax Identification Number (TIN) ng freelancer at iba pa.
Ayon kay Pangasinan Rep. Christopher de Venecia, isa sa mga may-akda ng panukala, nakapasa na sa ikatlo at huling pagbasa ang katulad na panukala noong 18th Congress, pero nakakalungkot na hindi pasado sa Senado.
Pero giit ni de Venecia, napapanahon nang maisabatas ang isang panukala na tunay na poprotekta sa mga freelancer lalo na sa creative industries. Mula aniya sa 4.8 million stakeholders sa nabanggit na industriya, 4 milyon ay freelancers.
At noong kasagsagan aniya ng pandemya ng COVID-19, ang mga freelancer aykabilang sa mga tinamaan ng “no work, no pay modality.”
Dagdag ni de Venecia, bigong makasama ang mga freelancer sa Bayanihan 1, habang para sa Bayanihan 2 ay nakasama naman para sa ayuda ang nasa 40,000 freelancers, pero nagka-problema dahil hindi raw alam ng pamahalaan partikular ang DOLE kung saan makikita ang freelancers.