Wednesday, September 21, 2022

DELIBERASYON SA PANUKALANG BADYET NG COMELEC SA 2023, TINAPOS NA NG KAPULUNGAN

Tinapos na ngayong Martes ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang deliberasyon sa panukalang badyet ng Commission on Elections (COMELEC) sa taong 2023, na nagkakahalaga ng P5.22-bilyon, kabilang ang mga otomatikong apropriasyon. 


Nagsilbing isponsor ng badyet si Rep. Francisco Jose “Bingo” Matugas II, sa idinaos na deliberasyon sa plenaryo ng House Bill 4488, o ang 2023 General Appropriations Bill. 


Sa kanyang sponsorship speech, binanggit ni Matugas na ang panukala ng COMELEC ay 81 porsyento, o P21.7-bilyon na mababa kaysa kanilang 2022 badyet. 


Ipinaliwanag niya na ang badyet ngayong taon ay mas malaki dahil sa itinakdang halalang nasyunal at lokal noong Mayo 2022, at nakatakdang halalang Barangay at Sangguniang Kabataan sa Disyembre 2022. 


Samantala, hiniling niya ang karagdagang pondo na P2-bilyon na gagamitin ng COMELEC sa kanilang itatayong bagong gusali, na magsisilbing kanilang bagong tanggapan, bodega para sa mga makina at kagamitan, at ang COMELEC Academy. 


Sa isinulong na pagpapaliban ng Kapulungan ng halalan sa Disyembre 2022 sa susunod na taon, binanggit ni Matugas na ang kanilang alokasyon ay magiging depende sa pinal na petsa na aaprubahan matapos na ito ay maisabatas. 


Binanggit rin niya na itutuloy pa rin ng COMELEC ang kanilang mga paghahanda, habang hinihintay nila na maisabatas ang panukala. 


Kapag ang halalan ay ipinagpaliban, tiniyak ni Matugas na isusulong ni COMELEC Chairperson George Erwin Garcia ang pagtataas ng honoraria ng mga guro, at ang pagtatanggal ng buwis nito na magiging epektibo sa susunod na taon. 


Samantala, sinabi ni Rep. France Castro (Party-list, ACT TEACHERS) na magbabalangkas siya ng panukala para sa salary upgrading ng mga kawani ng COMELEC. 


Tumanggap siya ng suporta mula kay Matugas at COMELEC upang maipasa ang isusulong na panukala.