Tinapos ngayong Martes ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang panahon ng interpelasyon at debate sa plenaryo, ng panukalang badyet ng Commission on Human Rights (CHR) at kalakip na ahensya nito na Human Rights Violations Victims Memorial Commission (HRVVMC).
Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Rep. Jocelyn Limkaichong (1st District, Negros Oriental) na para sa susunod na taon, ang CHR ay may badyet na P846.3-milyon sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP), samantalang ang HRVVMC ay may P31.8-milyon sa ilalim ng NEP.
“For 2023, the CHR’s budget decreased by P118 million or 12.27 percent lower from their budget for the current year,” ayon sa kanya.
Dahil sa binawasang badyet, sinabi ni Limkaichong na maaaring hindi masuportahan ng CHR ang kanilang mga bago at pinaigting na mga inisyatiba, kabilang na ang kanilang planong Human Rights Institute, at mga programa nito sa climate change.
Idinagdag niya na bukod sa iba pa, ang kabawasan sa badyet ay makakaapekto sa kanilang programa sa pinansyal na ayuda.
Nagpahayag naman ng suporta para sa karagdagang pondo sa CHR sina Reps. Arlene Brosas (Party-list, GABRIELA) at France Castro (Party-list, ACT TEACHERS).