Nais ni Albay at House Ways and Means Chair Joey Salceda na bigyan ng Kongreso ng special powers si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para tugunan ang tumataas na presyo ng mga bilihin.
Ito ay k asunod ng naitalang 6.4 percent inflation rate para sa buwan ng Hulyo.
Sinabi ni Salceda na patuloy din ang pagtaas ng food inflation kung saan mula sa 4.9 percent noong Mayo ay pumalo na ito sa 6.9 percent noong July.
Ayon sa kanya, posibleng mag-peak ang monthly inflation ng hanggang 8.5 percent.
Umapela si Salceda sa house leadership at mga kapwa mambabatas na talakayain na ang House Bill 2227 o ang Bayan Bangon Muli Bill na magbibigay ng special powers sa Pangulo para ma control ang presyo ng mga bilihin.
Batay sa panukala niya, ilan sa special powers na ibibigay sa Pangulo ay ang mga sumusunod: anti-hoarding powers, pagbibigay insentibo sa produksyon ng mga essential na produkto, kapangyarihan para makapagbigay ng loans at guarantees sa mga suppliers ng produkto, transport emergency powers, pag-mobilize sa uniformed personnel para mapabilis ang mga infrastructure projects at bumuo ng inter-agency working groups o task forces.