Tuesday, August 09, 2022

PANUKALANG PAGTATATAG NG DEPARTMENT OF SPORTS, MULING BINUHAY SA KAMARA

Muling binuhay ni 1-PACMAN Party-list Rep. Mikee Romero ang panukalang pagtatatag ng Department of Sports.


Sa ilalim ng kanyang House Bill 335, bubuwagin na ang Philippine Sports Commission at sa halip ay magtatag ng ahensya na tututok sa larangan ng palakasan sa bansa.


Naniniwala ang kongresista na panahon na ngayon para sa gobyerno na unahin ang sports sa pambansang agenda, at isaalang-alang ang sports bilang mahalagang bahagi sa pagbuo ng bansa.


Ang DOS ang mangunguna sa pagpapatupad ng mga polisiya sa pagsulong at pagpapaunlad ng mga programa sa palakasan, health fitness programs gayundin ang mga kung paanong mapagbubuti pa ang performance sa mga international competition.


Maglalatag din ito ng solusyon sa kinahaharap na mga problema ng Philippine sports partikular ang kawalan ng isang komprehensibong national sports program, ugnayan sa pagitan ng iba’t ibang sektor, obsolete o luma nang training methods pati na ang kawalan ng dekalidad na training equipment at facility.


P500 million ang ipinapanukalang pondo para sa initial na pagtatatag ng DOS na kukunin sa national treasury habang ang mga susunod na funding ay isasama na sa taunang pambansang pondo.


##