Muling inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ni Bagong Henerasyon Partylist Representative Bernadette Herrera ang panukalang batas na nagsusulong ng nationwide curfew hour para sa mga menor de edad.
Batay sa House Bill 1016 o National Curfew Act ni Herrera ipatutupad ang curfew sa mga menor de edad mula 10:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga
Kung magiging ganap na batas ipagbabawal sa mga kabataan ang pagala-gala at pagtambay sa mga pampublikong lugar, mag-isa man o grupo maliban kung ang menor de edad ay kasama ang magulang at may emergency.
Nakasaad sa probisyon ng panukalang batas na ang mga magulang o guardians ng mga lumabag na menor de edad ang mahaharap sa parusa gaya ng community service na hindi bababa sa 48 na oras o kaya’y multa na 2,000 piso sa first offense.
Kung umulit o ikalawang paglabag ang magulang kasama ang bata ay ipapasailalim sa regular na counselling session, sa Barangay Council for the Protection of Children.
At sa ikatlong offense manghihimasok na ang Department of Social Welfare and Development o DSWD sa pamamagitan ng counselling o kung ano ang matukoy na proper disposition at ang mga magulang o guardian naman ay pagmumultahin ng 5,000 piso o kaya’y kulong na 6 buwan.
Paliwanag ni Herrera, layon ng kanyang panukalang batas na mapanatili ang public order and safety at mapigilan ang pagtaas pa ng mga krimen sa mga kabataan.