Thursday, August 11, 2022

PAGTATATAG NG E-GOVERNMENT, ISINUSULONG NI DS SINGSON-MEEHAN

Isinusulong ni House of Representatives Deputy Speaker at Ilocos Sur Second District Rep. Kristine Singson-Meehan ang pagtatatag ng Electronic Government o E-Government, na mangangailangan ng paggamit ng information at communications technology (ICT) ng pamahalaan, at ng publiko na magdadala ng episyente, wasto, may pananagutan at malinaw na paglilingkod ng pamahalaan. 


Sinabi ni Singson-Meehan na ang inihain niyang House Bill 11856, o ang panukalang “E-Government Act,” ay sumusuporta sa pamunuan ng Kapulungan, sa kanilang pagsisikap na itugma sa mga layunin ng administrasyon sa paggamit at kapakinabangan ng ICT, upang iangat ang pagiging episyente at produktibo sa paghahatid ng pampublikong paglilingkod ng pamahalaan. 


Sa panahon ng pandemyang dulot ng COVID-19, sinabi niya na napilitan ang pamahalaan na mag-imbento, upang makapamahagi lamang ng mga pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino, at ang mga mamamayan ay nagsimulang pasalamatan ang kaginhawahan at kaluwagan ng kapakinabangan ng serbisyong digital ng pamahalaan, malayuan at online. 


Iminamandato ng panukala sa Department of Information and Communications Technology (DICT) ang paglikha at pagsusulong E-Government Master Plan, upang mahikayat ang kagalingan sa pagpapairal ng lahat ng serbisyo at proseso ng E-Government. 


Isasama sa master plan ang mga programa tulad ng: 1)  Philippine Government Interoperability Framework; 2) Archives and Records Management Information System; 3) Philippine Government Online Payment System; 4) Citizen Frontline Delivery Services; 5) Public Financial Management; 6) Procurement System; 7) Inventory and purchase of hardware and software of all government offices; 8) Utilization of servers, network connections and data centers in all government offices; at 9) Security, disaster recovery plans and archiving considering existing services. 


Ang kalihim ng DICT ang siyang mamumuno sa inisyatiba ng E-Government at ang implementasyon ng master plan nito.