Ipinanukala ni Agusan del Norte Rep. Dale Corvera ang integration o pagsasama ng scouting sa curriculum ng elementary at junior high sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa bansa.
Sa gitna ng mainit pa ring debate sa pagpapatupad naman ng mandatory ROTC sa senior high school, ito ay ipinursige pa rin ni Corvera.
Sinabi niya na bagamat school based ang scouting at sinusuportahan ng DEPED ay hindi aniya ito mandatory.
Batay sa kanyang panukala, magiging isang regular na asignatura ang scouting at bibigayng diin ang madato ng Boy Scouts of the Philippines (BSP) at Girl Scouts of the Philippines (GSP).
Sa paraang ito ay maituturo at malilinang aniya ang patriotismo at nasyonalismo sa mga kabataan upang sila ay maging responsableng mga lider sa hinaharap.
Ang mga scouts na makakakuha ng Eagle Scout Rank, na siyang pinakamataas na rank sa scouting ay maaaring ma-exempt sa ROTC at kahalintulad na programa.
Si Corvera ay isang decorated Scout leader at kasalukuyang National President ng Boy Scouts of the Philippines at Chairperson ng Asia Pacific Regional Scout Committee of the World Organization of the Scout Movement.