Pinapa-imbestigahan ni Bagong Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera sa Kamara ang plano ng Land Transportation Office o LTO na bumalik sa dati nitong Information Technology o IT provider.
Nababahala si Herrera na ang nasabing hakbang ng LTO ay paatras at maaring magresulta sa mas mahal na singil sa mga motorista at may-ari ng mga sasakyan at maaring magdulot ng mas mabagal na transaksyon.
Sa isinagawang konsultasyon ay nabatid ni Herrera mula sa mga key stakeholders na mas pabor sila sa kasalukuyang IT provider ng LTO dahil hindi na ito sumisingil ng interconnectivity fees para sa motor vehicle registration, driver’s license transactions, gayundin sa law enforcement and traffic adjudication service transactions.
Pero ayon sa LTO, may mga glitches ang kasaluyang IT system nito na ayon naman sa mga reports mula sa field ay bunga ng human interventions at manual overrides na ginagawa ng mga tauhan mismo ng ahenya.
Tinukoy ni Herrera na Simula noong 2018, Dermalog Identification Systems na ang IT systems provider ng LTO na may 27-taong track record sa biometrics at data security, at may operasyon din sa Singapore, Malaysia, Thailand, Vietnam, Indonesia, at India.
Ang dati namang IT provider ng LTO ay ang Stradcom Corporation na nakakuha umano ng multi-bilyong pisong halaga ng kontrata mula 1998 hanggang 2016 at hanggang ngayon ay bigo pa ring magturn oveer sa ahensya ng database ng mga motorista.
#####