Kaugnay sa nakatakdang pagbubukas ng klase sa susunod na linggo ay nanawagan si CamSur Representative LRay Villafuerte kay Vice President and Education Secretary Sara Duterte-Carpio na aksyunan ang report ng Commission on Audit o COA.
Ito ay kaugnay umano sa kabiguan ng Department of Education sa ilalim ng nakaraang administrasyon na ayusin at lagyan ng sapat na mga upuan at lamesa ang 75% sa halos 11,500 mga silid-aralan na pinondohan ng P9.5 billion.
Binanggit ni Villafuerta na base sa COA report, bigo ang DepEd na bilhin ang mahigit 553,000 na mga lamesa at upuan para sa mga estudyante sa elementarya at sekondarya at sa mga guro noong 2021.
Sabi ni Villafuerte, nasa COA report din na hindi natupad na mabigyan ang kanyang lalawigan na Camarines Sur ng mahigit P451 million pesos para sa repair ng 1,405 classrooms sa 296 paaralan sa 35 minusipalidad.
Bukod dito, nakasaad din sa COA report na 571 o 59.29% lamang sa 963 projects kaugnay sa electrification at installation ng solar panels sa mga pampublikong paaralan noong 2020 ang naisakatuparan.
Diin ni Villafuerte, malinaw sa COA report na hindi nakamit ang target ng Basic Education Facilities Fund o BEFF program na nakapaloob sa 2021 budget.
#####