Ipinupursige ni Manila Teachers party-list Rep. Virgilio Lacson ang panukala na bigyan ng libreng learning materials at school supplies ang lahat ng mga estudyante sa mga pampublikong paaralan.
Sa kanyang House Bill 2670, sinabi ni Lacson na mas may magandang learning experience ang mga estudyante na mayroong gamit sa pag-aaral.
Ayon sa kanya, sa pag-aaral ng Kids in Need Foundation noong 2017, lumabas na mayroong kaugnayan ang libreng school supply sa kakayanan ng guro na epektibong maturuan ang kanyang mga estudyante.
“The presence of free school supplies creates a more equitable classroom, where no student will feel ostracized because of poverty,” sabi ng solon.
Sa ilalim ng panukala, ang Department of Education (DepEd) ang tutukoy kung anong learning materials at school supplies ang kailangan para sa mga estudyante mula sa kinder hanggang Grade 12.
Ang kakailanganing pondo ay isasama sa taunang national budget.