Hinimok ni Senior Deputy Minority Leader Paul Daza ang kanyang mga kasamahang mambabatas na ikonsidera ang pagdaragdag ng pondo para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Sa gitna ito ng delisting ng nasa 1.3 million Filipino households na umano’y ga-graduate na sa programa.
Sa privilege hour ng Kamara kahapon, hinikayat ni Daza ang mga kapwa kongresista na itaas ang alokasyon ng 4Ps pagsapit ng 2023 budget deliberation upang mas maraming pamilya ang mabenepisyuhan.
Ipinunto ng kinatawan na noong State of the Nation Address ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr ay inilatag nito ang planong pagpapababa sa poverty incidence ng hanggang 9 percent pagsapit ng 2028.
Bunsod nito, mas maraming family beneficiaries pa aniya ang dapat na maipasok sa 4Ps.
Kasabay nito ay hinimok ng Northern Samara representative ang House leadership na pangunahan ang pag-convene sa Joint Congressional Oversight Committee upang siyasatin ang napipintong delisting ng family beneficiaries ng programa at iba pang isyu para sa mas maayos na implementasyon ng 4Ps.
##