Handang handa na ang Kapulungan ng mga Kinatawan sa pamumuno ni Speaker Martin G. Romualdez, na sumabak sa trabaho, at patuloy na magtatrabaho, ngayong halos makumpleto na ang pag-oorganisa ng mga Komite, matapos mahirang ang kani-kanilang mga chairpersons at mga miyembro.
Sinabi ni Romualdez, na siyang kinatawan ng Unang Distrito ng Leyte, na inaasahan niyang magiging mas abala ang Kapulungan ng ika-19 ng Kongreso ngayong halos lahat ng mga mambabatas ay alam na nila ang kanilang magiging tungkulin.
"I thank the House Deputy Speakers for helping hold the fort at the plenary, as well as Majority Leader Mannix Dalipe, senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos, and the members of the Committee on Rules for assisting in the process of forming the House panels," ani Romualdez, Pangulo ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) party.
Matapos na makumpleto, ang mga Komite sa Kapulungan ay maaari nang magdaos ng mga pagpupulong at pagdinig sa mga inihaing panukalang batas, na siyang pangunahing hakbang sa paggawa ng batas.
Sa idinaos na sesyon sa plenaryo noong ika-25 hanggang 27 ng Hulyo, at mula ika-1 hanggang ika-3 ng Agosto, 2022, may kabuuang 2,877 panukala na ang naihain sa iba’t ibang Komite para sa pagbalangkas nito.
Ang mga panukala ay ang mga sumusunod: HBs, 2,744; House resolutions (HR), 119; House joint resolution (HJR), pito; House concurrent resolution (HCR), lima; at Resolution of both Houses (RBH), dalawa.
Sa 64 standing committees sa Kapulungan ng mga Kinatawan, 50 rito ay itinalaga na ang kani-kanilang mga chairpersons. At lahat ng 64 na ito ay mayroon ng mga miyembro.
Samantala, sa 15 espesyal na komite, ang 10 ay may nahirang nang chairpersons. Itinalaga na rin ang mga miyembrong-mambabatas sa lahat ng komite maliban sa isa.
Ang magiging kapansin-pansin na sobrang abala na Komite sa susunod na mga linggo ay ang Committee on Appropriations, ang pangunahing Komite na siyang babalangkas ng panukalang pambansang badyet.
Ang batayan ng badyet na tinawag na National Expenditure Program (NEP), ay tinatayang isusumite ng MalacaƱang sa Kapulungan ng mga Kinatawan sa ikatlong linggo ng Agosto.
"Rest assured that the House will act immediately on the budget," ani Romualdez. #