Wednesday, August 10, 2022

ILANG PANUKALANG BATAS INAPRUBAHAN NG KOMITE SA UNANG PAGTITIPON; DEPED NAGBIGAY NG UPDATE SA PAGBUBUKAS NG ESKWELA

Naging masagana ang araw para sa Komite ng Basic Education at Culture ng Kapulungan ng mga Kinatawan ngayong Miyerkules, sa ginanap na organizational meeting nito. Inaprubahan ng Komite na pinamumunuan ni Pasig Rep. Roman Romulo ang ilang bersyon ng mga panukala, na inaprubahan ng Kapulungan sa ikatlo at huling pagbasa nang nakalipas na ika-18 Kongreso. 


Binanggit ni Romulo ang Section 48 ng House Rules ng ika-18 Kongreso na pinagtibay ngayong ika-19 Kongreso, sa pag-apruba ng mga panukalang batas. 


Nakasaad sa Section 48 na, “In case of bills or resolutions that are identified as priority measures of the House, which were previously filed in the immediately preceding Congress and have been approved on third reading, the same may be disposed of as matters already reported upon the approval of majority of the Members of the committee present, there being a quorum.” 


Inaprubahan ang House Bill 561 na inihain ni ACT TEACHERS Rep. France Castro; HB 636 ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, HB 932 ni Romulo, HB 1348 ni Tarlac Rep. Christian Tell Yap, HB 1928 ni ANG PROBINSIYANO Rep. Alfred Delos Santos at HB 2466 ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez; HB 929 ni Romulo; HBs 931 ni Romulo at HB 1097 ni Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte Jr.; at HB 930 ni Romulo. Kikilalanin ng HB 561 ang taunang pagdiriwang ng World Education Support Personnel Day at idedeklara ang ika-16 ng Mayo ng bawat taon bilang National Education Support Personnel Day sa Pilipinas. 


Ang HBs 636, 932, 1348, 1928 at 2466 ay magtatatag ng mga pampublikong paaralan sa hinaharap sa teknolohiya. 


Palalakasin ng HB 929 ang pagtataguyod at paghahatid ng mga serbisyo sa mental health sa edukasyong elementarya, habang ang HBs 931 at 1097 ay magtatatag ng Philippine High School para sa Creative Arts System. Samantala, papalitan ng HB 930 ang Literacy Coordinating Council (LCC) sa National Literacy Council. Inaprubahan din ng panel ang mga iminungkahing tuntunin para sa Komite ng Basic Education at Culture para sa 19th Congress. 


Sa sumunod na briefing ng Department of Education, tinalakay ni Undersecretary Epimaco Densing III ang tungkol sa pagbubukas ng klase, kung ano ang ginagawa ng ahensya upang matugunan ang mga alalahanin sa mga gusali ng paaralan, sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad, gayundin ang kanilang mga prayoridad sa lehislatura.