Binuo ngayong Martes ng Kapulungan ng mga Kinatawan sa pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang Espesyal na Komite sa Enerhiyang Nuklear at hinirang si Pangasinan Rep. Mark Cojuangco bilang Tagapangulo nito. Binubuo ng 25 kasapi, ang bagong tatag na Komite ay naatasang talakayin ang "lahat ng mga usaping direkta at pangunahin na may kaugnayan sa mga polisiya at programa sa produksyon, paggamit, at pag-aalaga ng enerhiyang nuklear, kabilang ang pagpapaunlad ng imprastraktura ng kapangyarihang nuklear, pati na rin ang pakikipag-ugnayan sa iba pang pinagmumulan ng enerhiya na may enerhiyang nuklear na maaasahan, matipid, at ligtas sa kapaligiran upang matiyak ang seguridad ng enerhiya na naaayon sa pambansang interes at polisiya ng pamahalaan ng may kalayaan mula sa mga sandatang nuklear.”
Sa kanyang manipestasyon, ipinaliwanag ni Cojuangco na ang enerhiyang nuklear ay pinanggagalingan ng enerhiya na mura, malinis, at maaasahan anuman ang kondisyon ng panahon.
Tiniyak niya na gagawin ng kanyang Komite ang bahagi nito sa pagpapaalam sa publiko hinggil sa kahusayan at benepisyo ng enerhiyang nukleyar, gayundin sa paggawa ng mga panukalang batas na maaaring makatulong para sa pagtatayo ng mga plantang nuklear sa bansa.
Samantala, inamyendahan naman ng Kapulungan ang hurisdiksyon ng Komite ng Enerhiya, na nasasaad na: “All matters directly and principally relating to the exploration, development, utilization or conservation of energy resources, including the development and utilization of alternative and renewable energy sources and the entities involved in energy or power generation, transmission, distribution and supply, excluding nuclear energy and its sources and infrastructures.”
Nahalal naman sa araw na ito si Mandaue City Rep. Emmarie “Lollipop” Ouano-Dizon bilang Tagapangulo ng Komite ng People’s Participation.
Ang hybrid na sesyon ay pinangunahan nina Deputy Speakers Kristine Singson-Meehan at Vincent Franco “Duke” Frasco.