Monday, August 08, 2022

BILANG NG MGA NA-DELIST O NATANGGAL SA LISTAHAN NG MGA BENPISYARYO SA 4PS, KINUWESTYON

Kinuwestyon ng Minorya sa Kamara ang bilang ng mga na-delist o natanggal na 1.3 milyong pamilya mula sa higit 4 na milyong pamilyang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.


Sa kanyang privilege speech noong Lunes, sinabi ni House Senior Deputy Minority Leader Paul Daza na siya ay nababahala sa naging pahayag ni Department of Social Welfare and Development o DSWD Sec. Erwin Tulfo kamakailan ukol sa delisting ng 1.3 milyong na pamilya sa ilalim ng 4Ps.


Tanong ni Daza, papaano nakuha ng DSWD ang naturang numero ng mga naka-graduate na sa programa.


Kaya naman kanyang hinimok na mag-convene ang Joint Congressional Oversight Committee upang magkaroon ng malalimang review sa naturang bilang ng mga na-delist sa 4Ps at iba pang impormasyon dito.


Bukod dito, sinabi ni Daza na mainam kung magkaroon sila ng “honest to goodness” o tapat na pagbusisi sa performance ng 4Ps para makatukoy ang mga paraan para ma-improve o maisaayos ang implementasyon ng programa at makakatulong din sa paglatag ng pondo nito sa ilalim ng panukalang 2023 National Budget.


Ayon naman kay 4Ps PL Rep. Jonathan Abalos, ang nasa 1.3 milyong pamilyang na-delist ay 30% ng 4.2 milyong benepiyaryo at ang anunsyo aniya ng DSWD ay kapwa nakakagulat at nakaka-alarma. 


Kaya kanyang tanong din sa DSWD, saan galing ang numero at kaduda-duda na sa mabilis na panahon o mula Abril hanggang Hunyo ay naka-graduate ang 1.3 milyong pamilya.


Pasaring naman ng isang miyembro ng minorya, kailangan i-review ng maigi ang proseso ng DSWD hinggil sa pagtatanggal ng mga benepisyaryo dahil baka mauwi lamang ito sa “instawid” sa halip na “pantawid” ang 4Ps.