Pinabibigyang prayoridad ni Bulacan 6th District Rep. Salvador Pleyto sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagpapatibay sa bagong Building Act ng bansa.
Kasunod na rin ito ng pagtama ng magnitude 7 na lindol sa Abra at iba pang lugar sa Northern Luzon noong July 27.
Sa privilege speech ng kinatawan nitong Lunes, hinimok ni Pleyto ang kanyang mga kapwa mambabatas na iprayoridad ang pagpasa ng kanyang House Bill 1180 na layong palitan ang Presidential Decree 1896 at magtatag ng bagong Philippine Building Act.
Sa ilalim ng panukala, magtatakda ng mga regulasyon sa pagpaplano, disenyo, konstruksyon, paninirahan, maintenance, at paggiba ng mga gusali, kabilang ang pagsusulong ng katatagan ng mga gusali laban sa mga lindol, sunog, baha, pagguho ng lupa, bagyo, pagputok ng bulkan at iba pa.
Ayon sa kongresista, bagamat walang kapangyarihan ang tao na baguhin o ipahinto ang isang natural phenomenon tulad ng lindol, ay maaari naman paghandaan kung paano maiwasan ang matinding pinsala at pagkasawi ng buhay.
Paalala pa ni Pleyto na makailang beses nang nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology na ang West Valley Fault mula sa Bulacan hanggang Lungsod ng Quezon at silangang bahagi ng Kalakhang Maynila, hanggang Laguna at Cavite ay maaaring yumanig anumang sandali, dahil gumagalaw aniya ito kada ika 400 na taon.
Huli itong gumalaw noong 1658 o 359 na taong nakalipas.
##