Tuesday, July 12, 2022

TULONG AT SUPORTA SA MGA BAGONG HALAL NA MAMBABATAS MULA SA HOUSE SECRETARIAT AT MGA CONGRESSIONAL STAFF, TINIYAK

Tiniyak ngayong Martes ni House Secretary-General Mark Llandro Mendoza sa mga bagong halal na mambabatas na ang 1,467 kawani ng Kapulungan mula sa Secretariat at 2,208 congressional staff ay handang handa silang tulungan at suportahan sa pagganap nila sa kanilang mandato. 


“Nandito po kami lahat to serve you, your Honors,” ani Mendoza sa ikalwang araw ng Executive Course sa Lehislasyon para sa ikatlong Batch ng mga bagong halal na mambabatas sa ika-19 na Kongreso. 


Tinalakay ni Mendoza ang paksa sa “Legislative Support Services” sa naturang oryentasyon. Kanyang ipinaliwanag na ang House Secretariat ay pangunahing legislative support organization na walang kinikilingang pulitika, kungdi nagbabahagi ito ng mga serbisyong administratibo at teknikal na kinakailangan sa operasyon ng Kapulungan, kabilang ang mga pangangailangan ng mga mambabatas sa pagganap ng kanilang tungkulin. 


Sinabi niya na ang mga opisyal ng Secretariat at mga staff, kasama ang congressional staff ay nakahanda na tumulong sa mga mambabatas sa lahat ng kanilang mga pangangailangan sa Kapulungan at kani-kanilang mga distrito. 


Binanggit ni Mendoza na ang Legislative Support Services (LSS) ay nagbabahagi ng dalawang uri ng serbisyo, ang Lawmaking Support Services at Institutional Maintenance Services. 


Isang video presentation ang itinanghal na nagpapakita ng iba’t ibang tanggapan sa Kapulungan at ang kanilang ibinabahaging serbisyo. “As legislators, you are assured that in performing your representation mandate for your constituents, you have the whole House Secretariat behind you while you have to carry much of the burden of lawmaking,” ayon sa video presentation na itinanghal. 


Tinitiyak sa video na aasahan ng mga mambabatas na ang House Secretariat ay kinabibilangan ng mga propesyunal, may malawak na karanasan at dedikadong lingkod-bayan, na palaging nakahanda na sila ay tulungan at suportahan.