Itinutulak ngayon ng ilang mga mambabatas ang panukalang magtatatag ng Center for Disease Control (CDC) at gawing moderno ang kakayahan ng bansa sa pagtugon sakaling magkaroon ng health emergency at para makaiwas sa mga nakakahawang sakit.
Ang nasabing panukalang batas ay isinusulong ni Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez at dalawa pang ibang mambabatas.
Umaasa din si Romualdez na sa pagbubukas ng 19th Congress, ang nasabing panukalang batas ay muling bigyang-prayoridad ng Kamara at tuluyang maging ganap na batas nang sa gayon ay maging handa ang bansa na tumugon sakaling magkaroon ng panibagong pandemya.
Ang iminungkahing "Philippine Center for Disease Prevention and Control (CDC) Act" ay isang pinagsama-samang labintatlong (13) House bill na nagtatatag ng CDC na isinangguni sa Committee on Health noong nakaraang 18th Congress.
Kinikilala ng mga may-akda ang pangangailangan na gawing moderno at muling ayusin ang sistema ng kalusugan upang maprotektahan ang publiko laban sa mga mapanganib na sakit.
Ito ay nagmumungkahi ng paggawa ng modernization program na kinabibilangan ng pag-upgrade at pagkamit ng mga naaangkop na teknolohiya, laboratoryo, pasilidad, kagamitan at iba pang kinakailangang mapagkukunan at ang kinakailangang relokasyon at pagkuha ng karagdagang lupa o lokasyon kung saan itatayo ang CDC.