Nais papanagutin ng isang mambabatas ang mga magulang na tumatanggi na bigyan ng suporta ang kanilang mga anak.
Inihain ni Northern Samar Rep. Paul Daza ang House Bill 44, o ang panukalang “An Act Ensuring Child Support and Penalizing Parental Refusal or Neglect thereof” na kanyang isiniwalat sa pulong balitaan ngayong Lunes sa Kapulungan ng mga Kinatawan.
Nais ni Daza na pangalagaan ang interes at karapatan ng mga bata at isulong ang karapatan sa pangangalaga ng mga magulang, partikular na ang ina mula sa isang nabigong relasyon, upang makakuha ng pinansyal at iba pang suporta mula sa nahiwalay na asawa.
Iminamandato ng panukala ang buwanang suporta sa bata ng halagang P6,000 kada buwan sa bawat isang anak, ayon sa mambabatas.
Ang hindi pagbibigay ng suportang pinansyal sa loob ng dalawang buwan ay may kaakibat na unang parusa na “pwede probation,” aniya.
Sa ikalawang pagkakasala ay maaaring makulong mula dalawa hanggang apat na buwan at pagmumultahin ng P100,000.
Tutulungan din ng pamahalaan ang isang magulang na walang trabaho at walang kakayahang suportahan ang anak, na makahanap ng trabaho.
“Tulungan natin sila makahanap ng trabaho,” ani Daza.
Isinasaad din sa panukala na pagkakaitan ng mga ahensiya ng pamahalaan ang pag-iisyu ng pasaporte, lisensya sa pagmamaneho, at iba pang transaksyon sa gobyerno ang pabayang mga magulang, upang bigyan ang nagkahiwalay na mag-asawa ng magkatuwang na responsibilidad sa kanilang mga anak.
Sinabi ni Daza na susuportahan ng kanyang panukala ang Solo Parent Act at pag-ibayuhin ang mga isinasaad sa ilalim ng Civil Code on child support.
Idinagdag ni Daza na hihikayatin niya ang presumptive House Speaker Martin Romualdez na gawin niyang prayoridad ang panukala.