Isinusulong ngayon ni Negros Occidental Rep. Juliet Marie De Leon Ferrer ang pagtatatag ng Liver Center of the Philippines, na magsisilbing pasilidad na pangangasiwaan ng pamahalaan, at magbibigay ng komprehensibong pangangalaga sa mga pasyenteng may sakit sa atay.
Ang panukala ni Ferrer na nakapaloob sa House Bill 123 ay naglalayong magtatag ng isang ospital para sa rehabilitasyon ng atay, paglapat ng lunas o transplant nito para sa kapakanan ng publiko; magbibigay ng komprehensibong pangangalaga para sa mga pasyente na may mga sakit sa atay; at, magsasagawa ng pagsasanay at pagsasaliksik sa pagsawata at paggamot ng mga sakit kaugnay ng dugo sa atay, at mga nauugnay na serbisyo sa pagbuhay at transplant ng atay, bukod sa iba pa.
Sa pagbanggit sa mga naisapublikong datos mula sa World Health Organization (WHO) noong 2018, sinabi ni Ferrer na umabot sa 7,491 o 1.23 porsyento ng kabuuang bilang ng mga namatay sa sakit sa atay Pilipinas.
Ang edad ng mga namamatay ay nasa 9.88 bawat 100,000 ng populasyon, na naglagay sa bansa sa katayuang Ika-128 sa mundo.
“This representation would like to address such statistics and further prevent the rising concern on liver diseases by establishing a hospital specializing in all kinds of liver disease concerns,” ani Ferrer, tagapangulo ng Komite ng Justice sa Kapulungan ng mga Kinatawan.
Nakasaad din sa ilalim ng panukalang batas, na ang Liver Center ay matatagpuan sa Metro Manila.
Ito ay pamumunuan ng isang Executive Director na magsasagawa, mangangasiwa at magpapatupad ng mga polisiya at hakbang na aprubado ng Liver Center Board of Trustees.
Ang ospital ay isasailalim sa pangangasiwa ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH). Maglalaan ng halagang P200 milyon para sa paunang pagpapatakbo at pagpapanatili nito, na isasama sa taunang General Appropriations Act.