Thursday, July 14, 2022

PAGPAPALIBAN NG HALALAN PARA SA BARANGAY AT SANGGUNIANG KABATAAN, INIHAIN SA KAMARA

Isinusulong ngayon sa Kamara ang pagpaapaliban ng halalan para sa Barangay at Sangguniang Kabataan upang bigyan pa ng mas mahabang oras ang mga Pilipino at bansa, na makaahon sa epekto ng pandemyang dulot ng COVID-19, at ng katatapos na pambansa at lokal na halalan. 


Sa panukala ni Davao Oriental Rep. Cheeno Miguel Almario, ang House Bill 1367, layun nito na ipagpaliban ang nakatakdang halalan ng Barangay at SK sa buwan ng Disyembre 2022 at gawin na ito sa ika-9 ng Oktubre 2023. 


Ayon sa explanatory note nito, ipaliwanag ni Almario na ang nakatakdang dalawang halalan ay mangangailangan ng halagang humigit-kumulang P10-bilyon sa pamahalaan, na mas kailangang gamitin sa mga inisyatiba para sa kaligtasan ng sambayanan at pagbawi sa lugmok na ekonomiya.


Isinasaad sa panukala na ang lahat ng mga kasalukuyang opisyal ay mananatili sa kanilang posisyon, maliban na lamang kung sila ay tinanggal o sinuspinde.