Bilang bahagi ng Executive Course sa Lehislasyon, ay sumailalim sa oryentasyon ang ikatlong batch ng mga bagong halal na mambabatas sa ika-19 na Kongreso ngayong Lunes, hinggil sa paksang “Public Policy and Policymaking” na isinagawa ni University of the Philippines–National College of Public Administration and Governance (UP-NCPAG) Associate Professor and Dean Dan Saguil.
Kanyang tinukoy ang pampublikong polisiya bilang alituntunin na gumagabay sa pasya ng mga nasa pamahalaan.
Sinabi niya na ang mga sistema sa pagpapatupad ng mga pampublikong polisiya ay: 1) bottom up, kung saan ang mga nasa ibabang antas ng pamamahala ay binibigyan ng mga oportunidad na magpasya hinggil sa pagpapatupad ng mga pampublikong polisiya; at 2) top down, na ang layunin ay bigyan ng kontrol ang mga tagapagpatupad sa ipinatutupad na proseso.
Ayon pa kay Prof. Saguil, ang polisiya ay maaaring kinakatawan ng iba’t ibang instrumento tulad ng mga batas, ordinansa, memo at mga kautusan, at iba pa.
Samantala, kanyang tinukoy na ang paggawa ng mga polisiya ay nakabatay sa abilidad, karanasan, kasanayan, pagsasanay, pananaw at kaalaman kung papaano nililikha ang pampublikong polisiya.
Layon ng tatlong araw executive course na gabayan ang mga bagong halal na kinatawan sa kanilang papel at tungkulin bilang mga mambabatas.
Ang kurso ay inorganisa ng Office of the Secretary-General ng Kapulungan ng mga Kinatawan, kaakibat ang UP-NCPAG Center for Policy and Executive Development (CPED).