Monday, July 11, 2022

IKATATLONG BATCH NG MGA BAGONG HALAL NA MAMBABATAS NG IKA-19 NA KONGRESO, SUMAILALIM SA ISANG EXECUTIVE COURSE SA LEHISLASYON

Sumailalim ngayong Lunes ang ikatlong batch ng mga bagong halal na mambabatas para ng Ika-19 na Kongreso para sa huling serye ng Executive Course para sa Lehislasyon. 


Ang tatlong araw na programa ng pagsasanay, ay naglalayong ihanda ang mga bagong halal at mga nagbabalik na mambabatas sa pagganap ng kanilang mga tungkulin sa Kapulungan ng mga Kinatawan, ay inorganisa ng Office of the Secretary General, kaakibat ang University of the Philippines-National College of Public Administration and Governance (UP-NCPAG) Center for Policy and Executive Development (CPED). 


Sa kaniyang pambungad na mensahe, umaasa si Secretary General Mark Llandro Mendoza na ang programa ng pagsasanay ay makakatulong na maihanda ang mga kalahok sa mga diskusyon at deliberasyon sa plenaryo, pagdinig sa Komite, at iba pang aktibidad nila bilang mga mambabatas. 


"Lalo po sa paghahain ninyo ng mga panukalang batas na tulungan ang ating bansa at suportahan ang ating Pangulo sa kanyang legislative agenda," dagdag niya. 


Samantala, binigyang-diin ni UP-NCPAG Associate Professor at Dean Dan Saguil ang mahalagang papel ng Kongreso sa pamamahala sa mga proyekto at programang ipinatutupad ng pamahalaan. 


Sinabi rin niya ang pangangailangan ng lahat ng nagsusulong mula sa lokal hanggang sa pambansang antas, kabilang ang pribadong sektor at mga non-governmental organization, na magtulungan sa pagkamit ng pagkakaisa at pagbabago sa bansa. 


“Through this course, you will be equipped with the knowledge and tools. Sana ma-empower kayo to achieve the goals, hindi lang para sa inyong constituents, but all our countrymen,” aniya. 


Sa pagtatapos ng opening ceremony, binalangkas ni CPED Director Prof. Simeon Ilago ang detalye ng kurso na kinabibilangan ng 13 bahagi, kabilang ang kunwaring pagdinig ng Komite at kunwaring sesyon sa plenaryo.