Bilang paghahanda sa isa sa pinakamahalagang mandatong konstitusyonal ng sangay ng lehislatura, nag-aral ang ikalawang batch ng mga mambabatas para sa Ika-19 na Kongreso ngayong Martes, hinggil sa proseso ng badyet sa ilalim ng paggabay ni dating Committee on Appropriations Chairperson at ngayon ay Deputy Speaker Isidro Ungab.
Sa simula, binigyang-diin ni Ungab na tungkulin ng Kapulungan ng mga Kinatawan, kasama ang Senado, ang maglaan ng pondo at magpaabot ng tulong at de-kalidad na serbisyo sa mamayang Pilipino.
Binanggit niya na ang dalawang mahahalagang tungkulin ng Kongreso ay ang pag-aksyon sa panukalang badyet ng Pangulo o ang National Expenditure Program, at ipasa ang General Appropriations Bill (GAB).
Tinalakay niya ang iba't ibang yugto ng proseso ng badyet, katulad ng: 1) paghahanda ng badyet, 2) pagsasabatas/awtorisasyon sa badyet, 3) pagpapatupad ng badyet, at 4) pananagutan at pagsusuri sa badyet. Hinimok din ni Ungab ang mga bagito at nagbabalik na mambabatas na "ilaan ang mga pondo kung saan higit na kinakailangan" habang nakikibahagi sila sa proseso ng badyet.
Ipinaliwanag din niya na ang lahat ng mga bagong halal na mambabatas ay malayang makapagtatanong sa mga pagdinig ng badyet kahit na hindi sila miyembro ng Committee on Appropriations.
Ang kanyang presentasyon ay nagtapos sa mga estratehiya kung paano epektibong makalahok ang mga bagong Kinatawan ng Kapulungan sa proseso ng badyet.