Mas hihigpitan ng Medical and Dental Service (MDS) ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang pagpapatupad ng health protocols sa ika-25 ng Hulyo, para matiyak ang kaligtasan ng mga dadalo sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ang mga indibidwal na papasok sa Batasan Complex ay kailangang mag-negatibo sa pagsusuri sa Antigen, habang ang mga papasok sa Plenary Hall ay kailangang magpakita ng negatibong resulta ng RT-PCR test, na ginawa nang hindi hihigit sa 48 oras, bago ang taunang malaking kaganapan.
Kumpiyansa si MDS Director Dr. Jose Luis Bautista na magiging ligtas ang SONA sa COVID-19 virus basta ang lahat ay magtutulungan, at matiyak na nasusunod ang mga minimum na protocol sa kalusugan, gayundin ang mga kinakailangan sa kaligtasan.