Wednesday, June 29, 2022

MGA BAGONG HALAL NA MAMBABATAS, TINAPOS NA ANG KUMPLETONG EXECUTIVE COURSE SA LEHISLASYON

Kinumpleto na ng 24 na bagong halal na mga mambabatas sa ika-19 na Kongreso ngayong Miyerkules ang tatlong araw na Executive Course sa Lehislasyon, na nagbigay sa kanila ng kaalaman hinggil sa kanilang magiging tungkulin. 


Ang kurso ay inorganisa ng Kapulungan ng mga Kinatawan, kaakibat ang University of the Philippines-National College of Administration and Governance (UP-NCPAG) Center for Policy and Executive Development (CPED). 


Sa kanyang mensahe sa mga mambabatas na nagmula sa Batch 1, sinabi ni House Secretary-General Mark Llandro Mendoza na hindi lamang mapapahusay ng kurso ang kanilang mga gawain, kungdi mapapalawak pa nito ang mga pamamaraan upang kanilang matulungan ang sambayanan. 


“Lalo pong lalawak ang pagtulong ninyo lalo na po sa pag-create ng mga batas na kailangan po ng bansa natin,” aniya. 




Umaasa si Legislative Information Resources Management Department Deputy Secretary-General Dr. Edgardo Pangilinan na sa mga darating pang pagdaraos ng executive course sa hinaharap, ay ilan sa mga mambabatas ang maaanyayahan upang maging resource speakers. 


Para kay Zamboanga Sibugay Rep. Wilter Palma, na nagbahagi ng kanyang pananaw hinggil sa kurso sa ngalan ng Batch 1, pinasalamatan niya ang liderato ng Kapulungan at ang Secretariat, gayundin ang UP-NCPAG sa oportunidad na sila ay makapag-aral sa mga gawain ng lehislatura. 


Iginawad nina UP-NCPAG Dean Dan Saguil at Secretary-General Mendoza ang sertipiko ng pagtatapos sa mga mambabatas. 


Nauna nang tinalakay nina Cavite Rep. Jesus Crispin Remulla, ang magsisilbing Kalihim ng Department of Justice, at Dr. Edna Estifania Co, dating Dean ng UP-NCPAG, ang “Citizen Engagement, Constituencies, and Advocacy.” Sinabi ni Remulla, senior deputy majority leader ng ika-18 Kongreso, na ang Kapulungan ang pinakamagandang institusyon upang matuto at ang pagiging mambabatas ang pinakamagandang tungkulin para sa mga kalahok. 


Samantala, tinalakay ni Information and Communications Technology Service Director Julius Gorospe ang Basic Cybersecurity at tinalakay naman ni UP College of Mass Communication Associate Dean Dr. Rachel Khan ang paksang “Engaging with Traditional and Social Media.” 


Ang pinakahuling aktibidad bago ang pagtatapos ay nagdaos ang mga mambabatas ng isang kunwaring sesyon ng plenaryo sa Belmonte Hall. 


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV