Bilang bahagi ng kanilang executive course sa lehislasyon, natuto ang mga bagito at mga nagbabalik na miyembro ng ika-19 na Kongreso ngayong Martes, mula kay dating House Committee on Appropriations Chairperson at ngayon ay Deputy Speaker Isidro Ungab.
Malalim niyang tinalakay ang proseso ng badyet, lalo na sa sangay ng lehislatura. Sa kanyang presentasyon, sinabi ni Ungab na ang Kongreso ay may tungkulin sa konstitusyon na ipasa bawat taon ang General Appropriations Bill, na magbabalangkas sa direksyon ng pambansang patakaran, at mga plano sa pagkilos ng bansa.
Binalangkas niya ang proseso ng badyet na binubuo ng: 1) paghahanda ng badyet, 2) pagsasabatas/awtorisasyon sa badyet, 3) pagpapatupad ng badyet, at 4) pananagutan at pagsusuri sa badyet.
Upang mas maunawaan ang mahalagang papel ng Kongreso, tinalakay din ni Ungab ang mga probisyon sa konstitusyon at mga kaugnay na batas na namamahala sa proseso ng badyet.
Bago magtapos, nag-alok siya ng payo kung paano mahusay na makilahok ang mga bagong mambabatas sa proseso ng badyet, partikular sa panahon ng mga deliberasyon sa Kapulungan ng mga Kinatawan.
Kabilang dito ang pagsusumite ng mga panukala sa Executive Department, bago ibigay sa Kongreso ang National Expenditure Program, pagpepreserba ng kanilang pakikipagtulungan sa mga ahensya ng gobyerno, gayundin ang pagiging bukas sa kompromiso kapag nagmumungkahi ng mga pagbabago, upang makatulong na hindi mapawalang bisa ang GAB, at iba pa.
Kalaunan, nagkaroon ng pagkakataon ang mga mambabatas sa isang open forum na tanungin si Ungab hinggil sa iba pa nilang nais na matutunan sa proseso ng badyet.
Personal na ginawaran ni Secretary-General Mark Llandro Mendoza ng plaque of appreciation si Ungab.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV