Wednesday, June 22, 2022

KAMARA DE REPRESENTANTES, GAGAMIT NA NG SOLAR ENERGY

Nagpasya ang Kamara de Representantes, sa pamumuno ni Speaker Lord Allan Velasco na gumamit na ng enerhiya mula sa araw, upang mabawasan ang pagbubuga ng usok sa kalawakan, at upang makatipid sa paggamit at halaga ng kuryente na nakokonsumo nito.


Sa isang panayam nitong Martes kay Engineering and Physical Facilities Department (EPFD) Deputy Secretary General Engr. Floro Banaybanay, sinabi niya nagsimula na silang maglagay ng mga solar panels sa gusali ng South Wing Annex (SWA) na nasa loob ng Batasang Pambansa Complex. 


Binanggit niya na ang kapasidad ng 200-kilowatt solar panels sa bubong ng gusali na ikinabit, ay upang mailawan ang buong gusali. 


Sinabi niya na layunin nila na maglagay pa ng mga karagdagang solar panels sa iba pang mga gusali na nasa loob ng complex.





"Kahit iyong ating steel parking, that's the best na lagyan (ng solar) iyong third floor," aniya. 


Ipinaliwanag ni Banaybanay na ang mga bagong kabit na solar panels ay makakatulong sa Kamara na makatipid mula 30 hanggang 35 porsyento ng kinokonsumong kuryente. 


Idinagdag niya na plano ring bumili ang Kamara ng mga electronic jeeps at maglalagay din sila ng charging stations sa Phase 2 ng proyekto sa pagkakabit ng solar panel. 


"Ang intention natin for this (Batasan) complex is to be compliant to the government mandates. Kailangan natin magtipid sa kuryente at krudo," aniya. 


Ang pagkakabit ng mga solar panels sa gusali ng SWA ay isa sa mga pangunahing proyekto ni Speaker Velasco, na nakatuon sa pagmomodernisa ng mga pisikal na pasilidad sa Batasan Complex. 


Kasama sa idinaos na panayam si EPFD Executive Director Engr. Renato Dela Torre.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV