Tuesday, May 17, 2022

MGA USAPIN SA PAGHAHANDA PARA SA PAGBILANG NG BOTO NG PANGULO AT VP, TINALAKAY NG KAMARA AT SENADO

Tinalakay kahapon ng mga opisyal ng Kamara ng mga Kinatawan at Senado, sa isang hybrid na pagpupulong ang mga nalalabi pang usapin hinggil sa paghahanda sa pagbilang ng mga boto ng pangulo at pangalawang pangulo sa nakalipas na 2022 pambansang halalan. 


Isasagawa ang pagbibilang mula ika-24 hanggang ika-27 ng Mayo 2022 sa bulwagan ng Kamara. 


Sa naturang pagpupulong, pinangunahan ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza ang mga opisyal ng Kamara sa pagtalakay sa mga usapin, kasama ang Senado na pinamumunuan ni Senate Secretary Atty. Myra Marie Villarica. 


Ilan sa mga usaping tinalakay ay ang paglilipat ng mga ballot boxes na naglalaman ng mga Certificates of Canvass (CoCs) at mga Election Returns (ERs) mula sa Senado tungo sa Kapulungan sa umaga ng ika-23 ng Mayo. 


Sinabi ni Deputy Secretary General for Legal Affairs Atty. Annalou Nachura na maglalaan ang Kapulungan ng lugar para sa mga CoCs at ERs. 


Isinasaad sa 1987 Saligang Batas na ang Pangulo ng Senado, ay bubuksan ang lahat ng sertipiko sa harap ng Senado at Kapulungan sa isang magkasanib na sesyon, 30 araw matapos ang halalan.